Sinalubong ng masigabong palakpakan, talunan, iyakan, yakapan at hiyawan ng mga estudyante ng Albert Einsten Medical School ang balitang hindi na nila kailangang problemahin ang pambayad ng kanilang tution dahil sinagot na ito ni Dr. Ruth Gottesman, dahil sa kanyang $1 bilyon donasyon sa unibersidad.
Ayon sa ulat ng Forbes, pumanaw ang asawa ni Ruth na si David Gottesman noong Setyembre 2022, at ibinilin sa kanyang asawa na gamitin ang kanyang kayamanan sa kung paanong paraan nito gusto.
Sa ginawa ni Ruth, lahat ng mga fourth year medical students sa unibersidad ay hindi na mamomroblema sa kanilang tuition. Mula Agosto ng taong ito, lahat ng estudyante ay makakapag-aral na din ng libre, ayon sa Albert Einstein College of Medicine.
Hindi bago kay Ruth ang pagtulong sa kapwa. Sa edad na 93, nag-retire na siya bilang propesor sa Department of Pediatrics ng mismong Albert Einsten School of Medicine ngunit naging aktibo naman siya bilang isa sa mga board of trustees ng paaralan. Siya din ang nagpasimula ng isang literacy program sa paaralan.
Ang kanyang asawa naman ay nagtamo ng kayamanan na $3 bilyon sa oras na kanyang pagpanaw mula sa kanyang stocks sa Berkshire Hathaway. Noong siya ay nabubuhay pa, matatandaang nagbigay din siya ng $25 milyong donsyon sa Yeshiva University. Ngunit sa estima ng Forbes, umabot sa $330 milyon ang nai-donate niya sa mga charities bago siya pumanaw.
Ayon sa Einstein University, ito ang pinakamalaking kontribusyon na natanggap ng unibersidad sa kanilang kasaysayan. Maililigtas din nito ang mga medical students mula sa pagkakabaon sa $200,000 sa student loans para maitawid ang kanilang pag-aaral kaya’t hindi na nila ito poproblemahin pa at makakapag focus na sila sa kanilang pag-aaral.