Birthday message na medyo wedding vow: Ruru Madrid, may nakakakilig na mensahe sa GF na si Bianca Umali

Dahil sa pagka-in love sa kanyang girlfriend na si Bianca Umali, tila lumabas ang pagkamakata ng Kapuso actor na si Ruru Madrid.

Hindi pa man sumasapit ang Buwan ng Wika ay mukhang na unlock na ang pagiging matalinghaga ng Kapuso actor na si Ruru Madrid para sa kanyang iniirog na si Bianca Umali sa kanyang kaarawan.

Sa isang mensahe sa Instagram, na nilakipan ng larawan ng kanilang selebrasyon, nagpasalamat si Ruru kay Bianca sa pagiging No. 1 cheerleader niya, sa pagiging ultimate crush kahit matagal nang sila at sa pagiging greatest blessing sa kanyang buhay.

Ani Ruru, simula nang dumating si Bianca sa kanyang buhay ay nag-iba ang lahat, naging mas masaya, mas makulay at makahulugan ang kanyang mundo. Aniya, napakaswerte niya at si Bianca ang katuwang niya.

“Napakapalad ko dahil ikaw ang kasama ko sa buhay—ang babaeng pinakamamahal ko, iniidolo ko, at pinapangarap kong makasama magpakailanman. Pangako ko, iingatan ko ang puso mo gaya ng kung paano mo iningatan at minahal ang akin. Sa’kin ka lang, at ako’y sa’yo, hindi lang ngayon kundi sa habang panahon,” pangako ni Ruru.

Dagdag pa niya, ipaglalaban niya si Bianca anuman ang pagsubok na harapin nilang dalawa at magkasama nilang tutuparin ang kanilang mga pangarap.

“Mahal na mahal kita, higit pa sa kaya kong ipakita o iparamdam. Ikaw ang buhay ko. ♥️,” pagtatapos niya.