Bimby, masayang mapagsilbihan si Kris, tinawag ang ina bilang kanyang universe

Napaka-mature ng pagtanggap ni Bimby sa matinding laban ng kanilang pamilya sa sakit ni Kris.

Hinangaan ng mga fans ang pagiging mature at mapagmahal ng bunsong anak ni Kris Aquino na si Bimby matapos ang panayam sa kanya ni Ogie Diaz.

Kung dati ay pinupuna ng publiko ang mannerisms ng teenager at nagdududa sa kanyang kasarian, ngayon naman ay panay ang puri nila sa teenager, na umaalalay sa kanyang ina habang lumalaban ito sa malubhang sakit.

Ani Bimby, matagal din bago niya natanggap ang bigat ng sakit ng kanyang ina at taon din ang binilang bago siya naging at peace sa kanilang sitwasyon. Ngunit sa mga panahong ito ay nagpapasalamat na lamang siya sa bawat araw na kasama niya ang kanyang ina at sa bawat minutong maririnig niya ang mga tawa nito.

Tinawag niya din ang kanyang ina bilang kanyang universe kaya’t malaking bagay para sa kanya ang mapagsilbihan ito kahit sa pagluluto ng pagkain at pagiging present para dito.

Tinanong din siya ni Ogie kung ano ang nararamdaman niya tuwing nakikita niyang nahihirapan sa kanyang sakit ang kanyang Mommy Kris.

“At the end of the day, I can only do so much to alleviate her. Tao lang ako. Tao lang si mama,” pranka niyang sagot. Ngunit aniya, hindi mawawala ang pananampalataya niya sa tatag ng kanyang mommy, at sa gabay ng Maykapal.

“Fighter yang si Mama. Alam mo yan, Tito Ogs,” aniya.