Sa dami ng mga Pinoy na nakapagpakitang gilas sa larangan ng K-pop tulad na lang ni Sandara Park, HOR7ON, Elisia Parmisiano, Gehlee Dangca ng UNIS at Sophia Laforteza ng KATSEYE, hindi nakakapagtaka na kasama na din ang Pilipinas sa radar ng mga South Korean entertainment agencies na naghahanap ng fresh talent.
Kaya naman sa darating na buwan ng Nobyembre, mabibigyan ng pagkakataon ang mga Pinoy K-pop hopefuls na mag-audition para sa isa sa pinakamalaking talent agencies sa Korea—ang YG Entertainment.
Ang YG Entertainment ang original label ng BIG BANG, 2NE1, BLACKPINK, iKON, WINNER, AKMU, TREASURE, at marami pang acts na nagpakilala sa mundo ng mga icons na tulad ni G-Dragon, Daesung, Dara, CL at iba pa. Bukod sa music, sa YG din kabilang ang ilang kilalang artista na tulad ni Lee Sung Kyung at Lee Soo Hyuk.
Magaganap ang audition sa Nobyembre 24 sa ZERØ Studio sa Quezon City para sa edad 11-18 years old. Pwedeng mag-audition para sa Vocal, Rap, Dance, Appearance categories pero kailangan munang mag-register para makakuha ng slot.