Best in ‘money laundering’! Customer ng laundry shop, bumilib matapos isauli ng staff ang 1K mula sa bulsa ng pinalabhang damit

Hindi matatawaran ang katapatan ng mga staff ng isang laundry shop na hindi pinag-interesan ang isanlibong nakita nila mula sa damit ng customer.

Napa-shoutout ang kliyente ng isang laundry shop matapos makitang nakadikit sa mga natuping damit ang isang Php1,000 bill na nakita ng mga staff nito mula sa bulsa ng kanilang pinalabhan.

Sa post ni Mary Grace Agnes, ipinakita niya ang nakabalot na damit nila na for pick up na matapos labhan at tupiin, nakadikit sa plastic ang pera na may masking tape pa ng kanilang pangalan para hindi ito mapunta sa iba.

Ani Mary Grace, hindi niya napansin na naiwan ang pera sa bulsa ng isa nilang pantalon o shorts at pambili sana ito ng meryenda ng kanyang mga anak.

Saludo naman siya sa honesty ng laundry shop dahil wala man lang nag interes sa pera kahit wala namang makakaalam kung ibinulsa man nila ito.