Pinagbigyan lamang ba? Marahil ito ang tanong sa isipan ng mga nanood at netizens matapos tinalo ang world-renowned billiards champion na si Efren “Bata” Reyes ng isang siyam na taong gulang na bata na si Chasz Uy sa isang exhibition game noong October 11 sa Main Atrium of SM City Bacolod.
Pinagbigyan man o hindi, ang mahalaga para kay Chasz, isang Grade 4 na mag-aaral ng STI West Negros University, ay nagkatotoo ang kanyang pangarap na makalaban ang tinaguriang “The Magician” sa larangan ng larong bilyar.
Natalo ni Chasz si Reyes sa score na 4-1. Ang wish ng bata ay pinagbigyan ng Bacolod Yuhum Foundation, ang organizer ng 44th MassKara Festival sa pamamagitan ng isang side event ng 2nd Mayor Albee Benitez 10-Ball Billiards Tournament.
Si Chasz ay ang pinakabatang player ng tournament at natalo na ito sa unang dalawang laro niya.
Nakalaro din niya ang isa pang world billiards champion na si Francisco “Django” Bustamante sa una niyang match.