Literal na may pera sa basura! Ni sa panaginip ay hindi siguro inaasahan ni Aling Gemma, na taga Murphy, Quezon City, na ang pangangalakal niya ng basura ay makakapagbigay sa kanya ng puhunan sa negosyo.
Sa isang episode ng “Pinoy Pawnstars” sa YouTube channel ni Boss Toyo, makikitang pumasok si Aleng Gemma sa shop ni Boss Toyo at asawa nito na may bitbit na maliit na plastic na may lamang dalawang coins na yari sa ginto at pilak.
“Akala ko kendi lang po ‘yun eh,” ayon kay Aling Gemma at hindi niya inaasahan na ang nakuha niya sa basura ay nagkakahalaga ng Php 100,000, sa ginto pa lamang.
Sa umpisa ay binenta ni aling Gemma ng Php 5,000 ang mga nakita niyang coins.
Dahil duda na Php 5,000 lamang ang halaga ng binebenta, tinawag ni Boss Toyo si Angelo Bernardo, isang eksperto, para ipasuri ang mga ito at doon nga nalaman na ang ginto ay nasa Php 100,000 ang halaga!
Ayon kay Angelo, ang ginto ay South African coin na sinimulang gawin noon pang 1950s, samantalang ang pilak naman ay isang Austrian Thaler. Hindi gaya ng South African coin, mas mababa ang halaga ng Austrian Thaler, na isang lamang umanong souvenir, na nasa Php 1,000 hanggang Php 1,500 ang halaga.
Si Angelo din ang nagsabi ng halaga ng gintong coin, na may bigat na 33.9 grams.
Kaya mula Php 5,000 itinaas ni aling Gemma sa Php100,000. Hindi na ito tinawaran pa ni Boss Toyo.
Parehong masaya si Boss Toyo at Aling Gemma. Makakapag umpisa na kasi ng negosyo si Aling Gemma at ito naman ang kauna-unahang collection na gold coin ni Boss Toyo.