Banyo na ang lumalapit! Mobile showers, pinaiikot ng Valenzuela LGU kontra init

Bunsod ng inaasahang mga water interruptions dulot ng El Niño, umiikot na ang dalawang mobile shower trucks sa lungsod ng Valenzuela upang magbigay ng ginhawa sa mga residente doon.

Wala nang rason ang mga taga-Valenzuela na hindi maligo, matapos mag-deploy ang Valenzuela City government ng mga mobile showers sa buong lungsod.

Iikutan ng mga mobile shower ang mga komunidad at barangay na apektado sa mga water supply interruptions na nararanasan bunsod ng mainit na panahon, ayon sa post ng pamunuan ng lungsod sa kanilang Facebook account.

“Bilang tugon sa mainit na panahon ngayon, mag-iikot ang mga ito sa mga komunidad na apektado ng water interruption,” the Valenzuela LGU said in a Facebook post.

Magagamit rin ang dalawang mobile shower at toilet truck ng lungsod sa mga panahon ng kalamidad.

“Sa panahon naman ng mga sakuna gaya ng baha at sunog ay idedeploy din ang mga Mobile Shower and Toilet Truck sa mga evacuation center,” dagdag pa ng ahensya.

Mayroong walong shower cubicle, walong toilet cubicle, at anim na stainless steel na lababo ang mobile trucks na nagkakahalaga ng P12.75 milyon, ayon sa pamahalaan.