Bagong Tuna Capital ng Pinas? Sablayan, ibinandera ang sustainable tuna fishing

Ipinagmalaki ng lokal na pamahalaan ng Sablayan ang mga sustainable na paraan ng panghuhuli ng isda sa kanilang bayan, na isang susi sa magandang kabuhayan at kinabukasan ng mga mangingisda dito.

Ibinandera ng lokal na pamahalaan ng Sablayan, Occidental Mindoro ang saganang huli ng tuna kamakailan sa pagdiriwang ng World Tuna Day noong May 2.

Unti-unti na ring nakikilala ang bayan bilang Sustainable Tuna Capital ng bansa matapos ang consistent na paglago ng bilang ng huli at maayos na pamamalakad ng pamahalaang bayan.

“Malaki na po ang industriya ng tuna dito sa ating bayan at katunayan po ay naglalabas na po tayo ng ating mga produkto para sa mga pangangailangan ng mga lungsod ng national capital at maging ng ibang mga bansa, ang pangunahing kliyente po natin ay mga bansa sa European Union,” ani Sablayan Mayor Walter Marquez sa isang panayam sa ABS-CBN News.

Sa datos ng municipal agriculture office ng bayan, halos 200,000 kilo ng yellowfin tuna ang nahuli at naibenta ng mga mangingisda ng Sablayan sa loob ng anim na buwan mula Setyembre 2023 hanggang Marso 2024. Sumipa ang bilang at huli ng tuna noong Enero 2024, kung saan umabot ito sa 66,418 kilos.

Dumarayo na rin sa Sablayan ang mga mamimili mula General Santos City, ang tinaguriang Tuna Capital ng Pilipinas, dahil sa ganda ng kalidad at bigat ng tuna, na nagmumula sa Mindoro Strait.

“Kinukumbunsi ang lahat ng stakeholders na bigyan prayoridad ang mga mekanismo upang maging sustainable ang pangangalaga at pagyayaman sa isa po sa pinagmamalaking produkto ng bayan ng Sablayan ang tuna,” ayon pa kay Marquez.