Bagong laya, bagong buhay! Kariton aftercare program sa Maynila, nagbibigay pag-asa sa mga ex-drug suspects

Mga bagong laya ng Manila City Jail sumasailalim sa “aftercare" program para mabigyan sila ng pangalawang pagkakataon sa buhay.

Sa Manila City Jail, second chance sa buhay ang binibigay sa mga persons deprived of liberty o PDL paglaya nila mula sa kulungan.

Kagaya na lamang ni Jessie Morales, 46, na nakulong ng anim na buwan dahil sa drug offense at nabigyan ng food cart ni Judge Maria Sophia Tirol Solidum-Taylor ng Manila City Regional Trial Court Branch 31, at Manila City Jail, sa ilalim ng “after-care” program na “Kariton ng Bagong Buhay at Pag-asa.”

Sa pamamagitan ng food cart, makakapaghanapbuhay muli si Jessie lalo na’t may dalawa siyang anak na tinutustusan. “Ayaw ko nang bumalik sa dati kong buhay,” ang pahayag ni Jessie sa isang panayam sa The Philippine Star.

Ayon naman kay Judge Taylor, layon ng programa na makatulong sa mga dating drug suspects para makapag-umpisa sila muli.

“These people are just like us. They’re all flawed but if you give them a chance and hope, they will change. They already admitted that they are drug addicts and through their admission, they effectively admitted that they need help from the government, from us in the community,” sabi pa niya.

Paniwala ni Judge Taylor, magiging pag-asa ang programa para sa iba pang PDLs.

Maliban sa food cart program, mayroon ding tinitinda na pastries ang mga bagong laya gamit ang bisikleta. Ang mga PDLs mismo sa Manila City Jail ang gumagawa ng mga pastries.

Para maging kwalipikado sa programang ito, kinakailangang maging consistent na negative ang kanilang drug tests sa ilalim ng rehabilitation program ng Manila City Jail.