Astig ni Sir! Pinoy ‘Teacher of the Year’ sa New Mexico, pinarangalan sa White House

Isang Pinoy na guro sa New Mexico, USA kinilala ang galing at dedikasyon sa pagtuturo.

Hindi matatawaran ang galing at dedikasyon ng mga gurong Pinoy saan mang parte ng mundo sila makarating. Kaya hindi na nakakapagtaka na kinilala si Dr. Roy Basa bilang “Teacher of the Year” sa New Mexico, USA.

Kasama si Basa sa 55 State Teachers of the Year ang naimbitahan sa isang dinner sa White House kasama si President Joe Biden at First Lady Dr. Jill Biden noong May 2.

Sa pagbibigay parangal kay Basa, pinuri ng New Mexico Public Education Department at ng New Mexico Oil and Gas Association ang kanyang kakaibang diskarte sa pagturo bilang technical education at science instructor sa Twin Buttes Cyber Academy, ayon sa ulat ng GMA News Online.

Binibigyang diin ni Basa sa kanyang pagtuturo ang collaboration sa mga lokal, estado, at pambansang institusyon at industriya, at maganda ang nagiging resulta nito sa pag-aaral ng kanyang mga estudyante.

“Winning in any endeavor is never an ‘I’ but rather a ‘We’ victory,” ani Basa, na inialay ang award sa kanyang pamilya at mga estudyante. Nagmula sa Murcia, Negros Occidental si Basa na may background sa science education. Nagturo siya ng 15 taon sa Negros Occidental High School’s Night Class Department. Noong 2018, isa rin siyang finalist ng “The Many Faces of the Teacher.” Sa Facebook page ng The Many Faces of the Teacher, binigyang halaga ang dedikasyon ni Basa dahil sa pagtulong niya na makahanap ng trabaho ang kanyang mga kapos na estudyante para hindi sila huminto sa pag-aaral. “Roy Biñas Basa, PhD, Master Teacher 1, insists that poverty should not be a hindrance to success. He has made it his mission to help students, who are experiencing the same struggles he had. He hopes to help them break out of the shackles of poverty,” ayon sa FB post.