Walang hamon na hindi inuurungan si Marco Antonio Tamayo, kilalang “pageant king” sa Pilipinas at fitness coach sa New Zealand. Kaya noong lumipat siya sa Australia kasama ang kanyang pamilya, game niyang hinarap ang lahat ng pagsubok para buhayin ang kanyang career.
“I’ve been a certified trainer in the Philippines, in Dubai, and in New Zealand; but then here (in Australia), you need to be certified again, you have to take it all over again. I accepted the challenge for growth but because as we all know people here can exercise on their own, people can opt to pay less for personal training,” ani Coach Marco sa isang panayam sa SBS.
Ngunit hindi ito naging madali nang magrelocate sila sa Gold Coast mula New South Wales noong 2020 dahil nagkataon din na may lockdown ng mga panahon na iyon dahil sa COVID-19 pandemic.
Dahil bawal ang in-person training, naisipan ni Coach Marco na magbigay ng mga online workout sessions sa kanyang ibang mga kliyente. Ngunit hindi sapat ang kita sa pagiging personal trainer, kaya nag-offer na rin siyang magturo ng jui-jitsu.
Kinonvert niya ang kanilang garahe sa gym para makatipid sa renta at una niyang tinuruan ay ang kanyang dalawang anak nae dad anim at pito.
Parang apoy naman na kumalat ang balita kaya di kalaunan mula sa dalawa niyang anak, naging 12 na ang mga batang tinuturuan ng jiu-jitsu.
Nakaka-compete din sa local and national jiu-jitsu events ang mga batang nagti-training sa kanya kaya super proud si Tamayo.