Artista din yaann? Justin de Dios ng SB19 agaw-eksena sa pagsipot sa ‘Senior High’

Lahat na yata ay kayang gawin ng mga miyembro ng SB19 dahil ngayon ay sumasabak na din sa aktingan ang bunso nilang si Justin de Dios.

Maraming inaabangang pasabog sa huling dalawang linggo ng “Senior High” ngunit hindi inaasahan ng mga fans ng show na isa sa mga ito ay ang pagi-guest ng bunsong miyembro ng SB19 na si Justin de Dios.


Sa prom episode ng “Senior High,” ginulat ni Justin ang mga estudyante ng Northford High nang sumipot siya bilang date ni Sanya (Gela Atayde). Sa serye, ginampanan niya ang role bilang Jared, isang sikat na P-pop group member.

Matapos mabawi ang karapatang gamitin ng brand at logo na SB19, naging abala ang mga miyembrong sina Pablo, Stell, Ken, Josh at Justin sa iba’t ibang proyekto para sa grupo at maging sa kanilang mga solo careers.

Kamakailan ay naglabas na ng kanya kanyang solo music sina Josh at Ken (FELIP). Katatapos din lang ni Stell na magsilbing coach sa “The Voice Generations” kung saan ang kanyang team na Vocalmyx ang nagwagi sa finale. Ang leader naman nilang si Pablo ay abala sa pagpapatakbo ng kanilang label na 1Z Entertainment at sa paglikha ng mga bago at pasabog na kantang tiyak na tatatak na naman bilang LSS ng mga A’TIN.

Ang pagsabak ni Justin sa acting ay nagpapatunay lang na lahat talaga ay kayang gawin ng mga versatile kings na ito.