Ang sweet! Jeepney driver, sinaluduhan sa pagbibigay ng libreng tubig sa mga naiinitang pasahero

Jeepney driver, hinangaan dahil sa kanyang kabaitan sa pagbibigay ng libreng malamig na tubig sa mga pasahero.

Isang netizen na nagngangalang Micaella Nelmida ang nagbahagi ng kanyang nakaka-good vibes na karanasan sa jeepney kung saan naglagay ng malaking cooler ng tubig at baso ang driver para libreng makainom ang kanyang mga pasahero.

Sa kanyang Instagram story na ibinahagi ng Tarlac Forum Facebook page, sinabi ni Micaella na tuwang-tuwa ang mga kasakay niya sa jeep nang makita ang inihandang malamig na tubig na may nakasulat na “Miniral, Libreng Inumin”.

Naghanda din si manong driver ng mga plastic cups para madaling makakuha ng tubig ang mga nauuhaw.

“To Kuyang Driver, I salute you po for showing care to your passengers. Nawa’y maging isang ehemplo po kayo sa mga co-jeepney drivers. May God bless you even more, Kuya Driver,” sabi ni Micaella sa kayang IG Story.

Kasalukuyang dumaranas ng sobrang init na panahon sa Pilipinas dahil sa summer at sa El Niño phenomenon kung saan ang heat index ay lumalagpas na sa 40 degrees. Nagbabala din ang mga ahensiya ng pamahalaan sa mga sakit na maaring idulot nito tulad ng heat stroke, heart attack, at matinding pagkapagod.