Ang kyot! Mga sanggol, nagpasiklaban sa bilis gumapang sa isang ‘baby race’ sa Tayabas City

Para ipagdiwang ang Nutrition Month, nagdaos ng isang baby race ang Tayabas City sa Quezon province.

May cute at kakaibang paraan na naisip ang Tayabas City sa Quezon province para ipagdiwang ang taunang Nutrition Month.

Bukod sa usual na mga parada, cooking at talent shows at feeding programs, nagdaos din ng isang baby race ang Tayabas Nutrition Council kung saan 14 na mga sanggol na may edad na 8-11 na buwan ang nakibahagi sa karera sa paggapang.

Layunin ng karerang ito na mahasa ang liksi ng mga sanggol at patibayin pa ang relasyon nila sa kani-kanilang mga magulang, ayon sa ulat ng Philippine News Agency.

Inorganisa ito sa pamamagitan ng T1K o Tayabas First 1000 Days of Life na ginanap noong Hulyo 4.

Nag-uwi naman ng Php1,500 cash prize at baby kits na may lamang gatas at diapers, ang mga sanggol na nanguna sa karera. Nag wagi ang 10-month-old na si Baby Rice Ysabel Castillos na kinuha lamang ng 49 segundo ang pag gapang papuntang finish line. May pitong metro ang haba ng karera.

Hindi naman luhaan ang mga sanggol na nahuli sa karera dahil nag-uwi rin sila ng tig Php700 bilang consolation prize at pati na rin ng baby loot bags.

“It’s exciting to watch the babies crawling towards their parents, showing their ability and unaware that they are competing with other babies,” ani Mayor Lovely Reynoso-Pontioso sa kanyang talumpati.