Umani ng suporta ang rallyistang nag-viral dahil sa kanyang maitim na kilikili matapos nitong harapin ang mga bodyshamers sa social media ng buong tapang.
Sa viral post ni Nathalie Julia Garalde, sinabi niyang hindi naman niya ikinakahiya ang discoloration ng kanyang kilikili dahil ito ay natural lamang. Aniya, maliit na isyu lamang ito kumpara sa mga halagang ninanakaw ng mga kurakot na opisyal ng pamahalaan na lalong nagpapahirap sa sambayanan.
“Ang kagandahan ng babae ay hindi nagtatapos sa pisikal na anyo at lalong hindi nasusukat sa iisang panukat lamang. Kayang-kaya ng babae na lumikha, mag-isip, magquestion, magalit at higit sa lahat, ipanagot ang nagnanakaw sa kaban ng bayan!” aniya.
Dagdag pa niya, hindi niya inakala na ang kanyang ipinaglalaban nang sumapa siya sa stage ay paliliitin ng mga taong ang tanging ambag sa lipunan ay manlait. Gayunpaman, nagpapasalamat siya sa mga sumuporta sa kanya at sa kapwa babae sa harap ng mga isyung kinakaharap ng bansa.
“Maraming salamat sa lahat ng nagtanggol at nag-iwan ng papuri nitong nakalipas na mga araw. Napakahalaga ang mga katulad ninyo na tumitindig laban sa mali. Tama kayo. Hindi dapat ang bagay na napakanormal katulad ng buhok at diskolarasyon ang pinapakealaman natin,” dagdag pa niya.