‘Andito kami hangga’t saan kami makarating’: Pangako ng magulang ni Deydey, ang batang nag ampon ng 38 pusa

Nakaaaantig ng damdamin ang kabutihan ng isang batang mapagmahal sa mga pusang gala, maging ang kanyang mga magulang.

Hanggang saan ang kaya mong pagsuporta sa hilig ng anak mo?

Sa hirap ng buhay ngayon, maraming Pilipino na ang dumadaing sa taas ng presyo ng bilihin – tulad ng bigas, gulay, karne, gasolina at kung anu-ano pa. Kaya naman maituturing na commitment ang magkaroon ng mga alaga dahil nagmamahalan na din ang presyo ng pagkain at gamit ng mga ito.

Kung problema na ang isang pusa, paano pa kaya kung mayroon kang 38?

Nagsimula si Deydey na mag alaga ng pusa ng mai-rescue niya ang isang kuting sa daan taong 2020 at doon nahilig ang bata sa mga pusa. Magmula noon, pati sariling ipon ng bata ay inilalaan na niya para makabili ng cat food hindi lang para sa kanyang alaga, pati na rin sa mga stray cats sa kanilang subdivision.

Hindi lamang iyon, ipinapasyal pa niya ang kanyang alaga kung saan man siya magpunta kaya’t nang masumpungan ito ng mga netizen ay kinagiliwan ang bata at niregaluhan pa ng isang Persian cat.

Patuloy ang pagkahilig ni Deydey sa mga pusa. Katunayan, ayon sa kanyang mommy na si Marissa, palaging inaalala ni Deydey ang mga stray cats dahil ang papayat ng mga ito. Inaalala din ng bata ang kanyang mga alaga kung ano ang kakainin ng mga ito kinabukasan.


Dahil nagkaroon ng maraming followers ang sampung taong gulang na si Deydey sa kanyang Facebook page ay unti-unting nag-ambag ng pera ang mga ito para sa advocacy na kanyang nasimulan. Sinimulan na din niyang ampunin ang mga pusang gala na ngayon ay napakapon na at inaalagaan sa kanilang tahanan.


Ayon kay Mommy Marissa, sinuwerte silang nakatagpo ng mga anghel sa katauhan ng mga mababait na netizens kaya’t kahit paano ay nakakatulong ang mga ito kung mayrooon silang mga alagang nagkakasakit.


Nang nagsisimula pa lang sila, malaking tulong din ang Pawssion Project at ang Power Cat na nagsusuporta sa suplay ng kanilang mga alaga.

Kami ang Natututo

Ayon kay Mommy Marissa at Daddy Edison, mapalad sila at nagkaroon sila ng anak na mapagmahal sa alaga.

“Sa totoo lang hindi ako ang nagturo e, ako ang tinuruan ni Deydey na maging compassionate sa pusa,’ saad ni Mommy Marissa.

“Minsan kahit ayaw mo na (mag ampon pa) pero pag nakita mo sitwasyon, yung maysakit yung mga kuting, hindi mo matitiis. Ang hirap magbulag-bulagan, sino ba naman kung hindi kami? Ang sabi ko sige, bahala na si batman. Kaya ayan ang sinasabi ko kay Deydey pag wala na as in wala, God will provide,” aniya.

Doble kayod din ang mag-asawa para matugunan ang pangangailangan ng kanilang pamilya at mga alaga. Mayroon silang bagong tayong kainan, may mga itinitida ding mga gamit si Mommy Marissa, na minsan ang mga naipon mula dito ay ginagamit nila para sa mga gamit o pagkain ng kanilang mga boarder.

Ani Mommy Marissa, gusto niya ay maging positibo ang pananaw ng kanyang anak ngunit kapag hindi na talaga kinakaya ay nag-uusap naman sila ng masinsinan para alam nito ang mga limitasyon ng kanilang kakayahan, tulad na lang sa bilang ng mga pusang pwede nilang alagaan.


Pagdating naman sa hangganan ng kanyang suporta sa anak, walang pasubali ang sagot ni Mommy Marissa.

“Hangga’t kaya ko, hangga’t kaya ng katawan ko, hangga’t kaya pa ng utak ko, hangga’t di pa bumibigay yung utak ko sa stress sa mga isipin, andito ako para kay Deydey hanggang saan kami makarating. Kahit sinong magulang yan ang gusto para sa anak,” sabi niya.

Aniya, nais niyang ibigay ang kanyang unconditional support sa anak para ganoon din nito suportahan ang kanyang magiging pamilya balang araw.

“Ang akin, gusto ko maramdaman ni Deydey na kahit hirap kami, hindi hadlang yung kahirapan para makatulong ng konti, yung maipagpatuloy mo yung passion mo,” pagtatapos ni Mommy Marissa.