Matapos maipanalo ang kanilang unang laro sa preliminaries laban sa mga higanteng player ng Egypt, at muntik nang masungkit ang panalo laban sa Iran sa isang intense five set match, pinatunayan ng Alab Pilipinas ang potensiyal ng bansa sa men’s volleyball.
Kaya naman ang isa sa kanilang mga ace players na si Joshua Retamar, may panawagan sa mga male volleyball players na natatakot ma-typecast at malait dahil hindi sila sumasali sa mga sports na tulad ng basketball, na mas patok sa mga kabataang lalaki,
“Para sa lahat ng minsang pinagtawanan at pinagdudahan dahil pinili ang volleyball—ito na ang simula ng pantay na respeto at pagkilala sa Men’s Volleyball. Wala na tayong dapat ikahiya. Ipagmalaki mo #AkoAyBalibolista ,” aniya.
Matatandaang ginulat ng Pilipinas ang kanilang mga nakalaban sa 2025 FIVB Men’s Volleyball World Championships dahil pumasok ang Alab bilang pangalawa sa pinakamababang rank sa 32 koponan na naglaban.
Gumawa sila ng kasaysayan ng manalo sila sa Egypt at muntikan na ring mapataob ang Iran sa kanilang kapana panabik na face-off.