Airport cleaner sa Misamis Oriental, pinuri sa pagbalik ng bag na naglalaman ng Php50k

Kinilala at ipinagdiwang ng netizens at Civil Aviation Authority of the Philippines ang kabutihan ng isang airport cleaner sa Laguindingan, Misamis Oriental sa pagbalik ng isang bag na naglalaman ng malaking halagang pera.

Marami man ang gahaman sa mundo, may mga tao pa ring mas nananaig ang kabutihan at katapatan, tulad na lang ng isang janitor sa Laguindingan Airport sa Misamis Oriental.

Umani ng papuri si Joshua Bustamante, isang airport facility cleaner na nakadestino sa lokal na paliparan, matapos nitong i-turnover ang isang bag na naglalaman ng Php50,000 para maisauli sa may-ari.

Nakita niya ang bag sa isang push cart bandang 7:30 a.m. ng Hulyo 8 sa arrival area ng nasabing airport at dali-daling ipinaalam sa management ang naiwang bag para mahanap ang may-ari, kwento ng Civil Aviation Authority of the Philippines sa isang Facebook post.

Nakuha naman ito agad ng may-ari matapos ang mahigit isang oras simula ng matagpuan ang kanyang bag. Ayon sa CAAP, galing sa Manila ang babaeng pasahero at pabalik na ito sa kanyang probinsya sa Lanao.

“His actions exemplify the highest standards of honesty and service we uphold. Mr. Bustamante’s dedication and values inspire all airport employees, reminding us of the goodness and integrity present in our busy environment,” ani CAAP Area 10 manager Engr. Job de Jesus.

“We laud him for his honesty and swift action,” dagdag pa ng opisyal.

Hindi rin naman nagpahuli ang mga netizens sa pagbati sa kabutihang loob ni Joshua:

“Thank you so much for being a good influencer and mentor to others.”

“Well done sir…salute to you”

“Promotion na bait naman”