Binansagang “9th member” ng rising K-pop girl group UNIS ang dancing security guard na si Ryniel “Nel” Pineda matapos sumayaw sa sa tunog ng unang single ng grupo na “Superwoman” sa TikTok kamakailan.
Patok sa mga netizens ang dance cover ni Nel, na aprubado mismo ng girl group, ayon sa mga nag-comment sa post.
Umani ng higit sa 6,000 hearts ang video ni Nel, habang dinagsa naman ang comments section sa papuri sa tinaguriang “Dancing Security Guard” na may 2.4 million followers na sa TikTok.
“You slay more than UNIS,” ani isang netizen.
“Galing idol, ikaw na ang 9th member ng UNIS,” hirit naman ng isa.
“Super slaycurity guard!” dagdag din ng isa pa.
@rynielpineda Super security😊🫶#superwoman #superwomanchallenge #unis #dancingsecurityguard👨✈️ ♬ SUPERWOMAN – UNIS(유니스)
Pinasalamatan naman ni Nel ang mga nagbigay ng komento sa kanyang latest video, at pinusuan ang mga request para sa kanyang susunod na dance cover.
Mayroong dalawang Pinay at isang half-Pinay sa UNIS, na produkto ng reality talent search na “UniverseTicket” ng SBS. Nakalusot sa auditions at fan votes sina Elisia Parmisano, Gehlee Dangca at Jin Hyeon-ju, at naging kabilang sa final lineup ng girl group.
Nag-debut ang UNIS noong March 27 nang i-release ang kanilang mini-album na “We UNIS.” Isa ang “Superwoman” sa mga single sa mini-album.
Naging social media star si Nel, na taga Butuan City, noong 2020—kasagsagan ng pandemya, dahil sa kanyang mga ina-upload na dance challenges sa TikTok.
Pampagising niya anya ang pag-ti-TikTok habang naka-duty sa isang clinic. Pero mabilis naman niyang nilinaw na ginagawa niya ang kanyang mga videos kapag breaktime o pagkatapos ng trabaho.
“Maski sa TikTok, at least man lang makapagsayaw ako, makapag-exercise, at maka-share po talent ko po sa pagsasayaw,” ani Nel sa isang panayam sa Pep.ph.