Baguhan pa lamang sa larangan ng swimming, nagbigay ng karangalan sa bansa ang isang Grade 3 student mula sa Caloocan City na si Ethan Joseph Parungao, matapos nitong masungkit ang siyam na medalya sa isang swimming competition sa Bangkok, Thailand kamakailan.
Nag-uwi ng limang gold medals, tatlong silver medals, at isang bronze si Ethan Joseph, walong taong gulang at estudyante sa Notre Dame of Greater Manila, sa Asian Open Schools Invitational Short Course Age Group Swimming Championships noong Agosto 17-19, 2024.
Lumahok ang nasa 600 swimmers mula sa 14 bansa sa Asya sa kompetisyon.
Si Joseph, na natuto lamang lumangoy nitong nakaraang taon, ay nagwagi ng gintong medalya sa 50 Meter- Freestyle, 100 Meter- Freestyle, 50 Meter -Butterfly, 50 Meter- Backstroke, at 100 Meter- Individual Medley.
Nasungkit din niya ang silver medals sa 100 Meter- Butterfly, 100 Meter- Backstroke, at 50 Meter- Breaststroke, at isang bronze medal sa isang hindi nabanggit na category.