Nasa bucket list ng karamihan ang mag-zipline pero para sa 12-anyos na si Eljames Retiza ng Murcia, Negros Occidental, ito’y paraan niya upang makatawid ng bundok papunta sa kanyang paaralan.
Nakakatakot man para sa mga nakapanood kay Eljames, isang Grade 6 student, sa Kapuso mo, Jessica Soho, basic lang ito sa kanya.
Nakatira ang pamilya ni Eljames sa mataas na parte ng bundok sa barangay Santa Cruz kaya kinakailangan niya mag-zipline para makarating sa kanyang eskwelahan.
“Hindi ako kinakabahan, sanay na ako,” ani Eljames sa panayam ng KMJS.
Kumakapit siya sa makalawang na 300-meter zipline, at ang ama niyang si Ricky ang sumisigurado na mahigpit ang pagkakatali niya rito. Gumigising si Eljames ng alas kwatro ng madaling araw para maghanda at makasiguro na hindi siya male-late sa klase.
Hindi naman hadlang kay Eljames ang pagtawid gamit ang lumang zipline na pag-aari ng Provincial Environment and Natural Resources (PENRO) noong 1990s.
Pero ikinagulat ito ng PENRO nang malaman na ginagamit ni Eljames ang dating tramline na transportasyon noon para sa kanilang tree planting activities sa bundok.
“Natapos na ‘yung project natin sa kabila tapos wala namang masyadong tinatransport. Kaya nga hindi na natin ginagamit kasi hindi na siya safe. Nabigla kami na meron pa palang gumagamit,” ani Joan Nathaniel Gerangaya, PENRO officer ng Negros Occidental.
Sabi naman ni Lila Vaflor Arro, Division Information Officer, Dep-Ed Bacolod City Division, na mayroon silang binibigay kay Eljames na activity sheets at modules na ipe-perform niya. Mayroon din siyang special schedule para hindi araw-araw ang pagpasok niya sa eskwela.
Determinado naman si Eljames na makapagtapos ng pag-aaral para makaahon sa kahirapan upang makatulong sa mga magulang at nakababatang kapatid na may edad walong taon at anim.