Marami mang lubak, mararating din ang tagumpay: 53-anyos na Grab driver, feel na feel ang pagiging college student

Patuloy na nagiging modelo si Kuya Benjie Estillore sa mga kabataan na mag-aral para marating ang tagumpay.

Patuloy ang pagbibigay ng inspirasyon ni Kuya Benjie Estillore na hindi nababatay sa edad ang pagtupad sa mga pangarap.

Ang Grab driver na unang nagpamalas ng kasipagan at katatagan sa pagtatapos ng Senior High School ay nagbahagi ng kanyang panibagong misyon para matapos ang kanyang pag-aaral sa kolehiyo.

Masayang ibinida ni Kuya Benjie ang kanyang gayak na uniporme para sa kanyang unang araw bilang college student sa University of Makati, na ikinatuwa ng marami.

Inihalintulad ni Kuya Benjie ang mga pagsubok na haharapin sa mga bako-bakong kalyeng kanyang dinaraanan araw-araw sa pagmamaneho bilang Grab driver pero tiniyak niya na hindi niya susukuan ang pagtupad ng kanyang pangarap na makatapos ng kanyang pag aaral.

Masaya niyang ibinahagi ang mga unang araw ng kanyang pagsabak sa kolehiyo sa pamamagitan ng kanyang reels sa Facebook. Damang-dama niya ang pagiging estudyante at may baon pang container ng tubigan panlaban sa init ng panahon.

Courtesy of Benjie Estillore

Nagpasalamat din siya sa karangalang nakuha mula sa Grab para sa kanyang pagtatapos ng Senior High School kamakailan lamang.

Courtesy of Benjie Estillore

Sa edad na 53, nagtapos ng may karangalan si Kuya Benjie ng Science, Technology, Engineering and Mathematics track sa Senior High School.