Hindi alintana ang bigat ng golf clubs kay David Charles Serdeña kahit nagcocommute siya patungo sa mga malalayong lugar kung saan siya nakikipagtagisan ng galing sa fairway.
Tila alam ni Serdeña na kapag nagpursigi siya, magkakaroon siya ng pagkakataon sa magandang kinabukasan.
Kilala na sa amateur circuit si Serdeña bilang isang 15-anyos na manlalarong bitbit ang kanyang golf bag sa jeep, tricycle, FX, at bus, papunta sa kanyang mga laro.
Nagtatrabaho bilang part-time caddie ang kanyang ina na si Mary Ann sa Philippine Navy, at lagi niyang dinodokumento ang landas ng kanyang anak papunta sa iba’t ibang mga lugar kung saan siya lumalaro sa kompetisyon.
Nakikitaan si Serdeña ng potensyal ng kanyang ina, at maging ang kanyang coach na si Carito Villaroman.
Matapos ang ilang sessions kay Villaroman, sumabak na muli si Serdeña sa kompetisyon, at noong nakalipas na linggo, nagwagi siya sa Boys Junior division ng National Golf Association of the Philippines-Beverly Place Open sa Mexico, Pampanga, na kung saan ay pumuntos siya ng 237 matapos ang tatlong round, ulat ng Inquirer Golf.
Ayon sa kanyang ina, ang determinasyon ni Charles ang magdadala sa kanya sa iba pang panalo sa mga susunod na kompetisyon.