Grab driver, di malimutan ang customer na nagbigay ng di inaasahang malaking tip—‘Blessing po yun sa akin’

Maliit man o malaki, malaking bagay ang tip para sa mga rider.

“Blessing” kung ituring ng isang Grab driver na si Dionicio Atabug Pagalilauan ang Php800 na tip na natanggap nito mula sa kanyang customer na si Princess Anne Francisco Olaes.

Magbibirthday kasi ang anak ni Dionicio kinabukasan kaya malaking bagay ang tip na binigay ni Princess.

“[Y] ung kilala ka na ng mga grab driver kaka order mo ng grab sa Pinas. Nakaka taba din ng puso na naging blessing ka sa ibang tao,” ito ang post ni Princess matapos siya i-message ng Grab driver. Si Dionicio ulit ang nakakuha ng order ni Princess.

“Hello ma’am, di ba kayo ‘yung nasa abroad [?]” tanong ni Dionicio na sinagot naman ni Princess ng “Yes kuya. Panu nyo nalaman[?] hahaha.”

Doon na sinabi ni Dionicio na ang tip na natanggap niya mula kay Princess ay isang “blessing” dahil birthday ng anak niya kinabukasan.

Maraming netizen naman ang na-touch sa kwento na ito:

“Nakaka iyak ung mga di mo inaasahang Blessings,” sabi ng isang netizen.

“Ang sarap mabasa ung mga ganito, nagbabalik ng blessings, God bless you po,” sabi naman ng isa.

Ang isang netizen naman ay napa “naol” o “sana all” P800 daw ang tip na binibigay.

“Naol P800 ang tip. Salamat ma’am,” komento niya.